Nanawagan si Oriental Mindoro 1st District Rep. Arnan Panaligan na palakasin ang interbensyon ng pamahalaan sa sektor ng palay at bigas upang maprotektahan ang kita ng mga magsasaka at matiyak na abot-kaya ang presyo nito sa mga mamimili.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Panaligan na hindi natupad ng rice liberalization ang pangakong mapababa ang presyo ng bigas at mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Ayon sa mambabatas, bumagsak sa P8 kada kilo ang farm gate price ng palay sa ilang lugar noong nakaraang taon, habang nanatili sa P50 hanggang P55 kada kilo ang presyo ng bigas sa merkado.
Binanggit din niya na nasa 73.2 porsiyento na lamang ang rice self-sufficiency ng bansa, mula sa dating 93 porsiyento bago ipatupad ang liberalisasyon.
Mungkahi niya, palawakin ang pagbili ng National Food Authority o NFA ng palay mula sa mga lokal na magsasaka at bigyan ito ng kapangyarihang makialam kapag bumabagsak ang presyo sa bukid.
Hinimok din niya ang pamahalaan na maayos na pamahalaan ang importasyon at dagdagan ang pondo para sa agrikultura.
Diin niya na hindi dapat manghinayang ang economic managers sa malaking gastusin kung kapalit nito ay sapat na produksyon ng bigas, dagdag na kita ng mga magsasaka at pagbaba ng kahirapan sa kanayunan.