Ikinalugod ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang pag-usad ng Sariling Kuryente Act matapos aprubahan ng House Committee on Ways and Means ang substitute bill ng panukala.
Layon nito na pasimplehin ang proseso at alisin ang mga hindi kinakailangang permit at requirements sa paglalagay ng rooftop solar panels at iba pang renewable energy systems para sa sariling konsumo.
Bilang isa sa may akda, iginiit ni Yamsuan na makatutulong ang panukala upang mas maraming pamilya at maliliit na negosyo ang makagamit ng solar energy upang mabawasan ang kanilang gastusin sa kuryente.
Binigyang-diin niya na dagdag na pasanin sa mga mamamayan ang patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente kasabay ng mahal na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng panukala, papasimplehin ang regulatory requirements sa pag-install ng solar panels at iba pang behind-the-meter energy systems, at ipagbabawal sa mga distribution utilities ang pagpapataw ng hindi kinakailangang permit, bayarin at kondisyon.
Nakapaloob din dito ang mga tax incentives at iba pang benepisyo upang mapababa ang gastos sa paglalagay ng renewable energy.