Hindi napapatid ang pagtulong ng pamahalaan sa mga labis na naapektuhan ng El Niño sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa panayam ng PTV kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, iginiit niyang nasa mahigit PhP1 bilyong na ang naipamahagi ng DSWD bilang tugon sa epekto ng El Niño.
Kabilang dito ang mga food pack at iba pang uri ng tulong, kung saan pinakamalaking bahagi o aabot sa PhP913 milyong ang naibigay sa pamamagitan ng emergency cash transfer.
Kabilang din sa iba pang tulong na naihatid ang hygiene kits, at iba pang non-food items sa mga lalawigang nagdeklara ng State of Calamity dahil sa matinding tagtuyot.
Tiniyak din ng ahensya na may nakahanda pang standby funds at karagdagang relief goods sa kanilang regional field offices upang masigurong walang maiiwan sa gitna ng nararanasang kalamidad.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) at iba pang ahensya gaya ng Department of Agriculture (DA) upang matukoy ang iba pang komunidad na nangangailangan ng agarang interbensyon habang unti-unting bumabangon ang mga ito mula sa pinsalang iniwan ng tagtuyot.