Tuloy-tuloy ang pag-aksiyon at interbensiyon ng pamahalaan sa mga lugar na labis nang naapektuhan ng El Niño.
Sa panayam ng programang Boses kay Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Junie Castillo, sinabi niyang nananatili pa rin sa 109 ang bilang ng mga lokal na pamahalaan na nagdeklara na ng State of Calamity dahil sa matinding El Niño.
Mayorya rito o higit sa 60 na local government unit (LGU) ay mula sa Cagayan mayroon ding mga apektado sa Bicol region maging sa CARAGA.
Pagdating naman sa suhestiyon na mas maagang ideklara ng pamahalaan ang State of National Calamity dahil sa El Niño sagot ng OCD na kinakailangan pa ng sapat na siyentipikong datos bago ito tuluyang ipatupad.
Dagdag pa ni Castillo, na kahit hindi pa idinedeklara ang State of National Calamity sa buong bansa ay nakalatag naman na ang mga plano ng pamahalaan upang tugunan ito.
Kaya sa ngayon mas binibigyang-diin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng localized declaration ng state of calamity lalo sa mga lugar na ispesipiko ngayong apektado ng drought situation at dry spell.
Pagdating naman sa interbensiyon ay sanib-puwersa na ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Agriculture upang tulungan ang mga magsasakang labis na apektado ng El Niño.
Kasado na rin ang mga hakbang ng Department of Social Welfare and Development para sa pagbibigay ng ayuda gayundin ang aksiyon ng Department of Health para naman sa mga residenteng makararanas ng mga heat-related illnesses dahil sa matinding init dala ng El Niño.