Photo courtesy of Senate of the Philippines
Kumpiyansa ang prosekusyin na kaya nilang matapos sa loob lamang ng isa hanggang dalawang araw ang pagtugon ng sa formal offer of evidence ng depensa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House private prosecutor Atty. Lorna Patajo-Kapunan, nakahanda na ang kanilang mga ebidensiya kaya hindi na kailangang ubusin ang sampung araw na inilaan para sa pagsusumite ng komento at pagtutol.
Ipinaliwanag ni Kapunan na nakaayos na ang mga dokumento at exhibits ng prosekusyon, kabilang ang kanilang mga numero at layunin bilang ebidensiya.
Anya, nakadepende pa rin sa kalidad ng testimonya at mga dokumentong ihaharap ng depensa kung gaano katagal ang kanilang magiging tugon.
Inaasahang matatapos muna ng depensa ang presentasyon ng mga testigo bago isumite ang pormal na listahan ng kanilang mga ebidensiya.
Binigyang-diin din ni Kapunan na hindi nangangailangan ng mahabang nakasulat na desisyon ang impeachment court at walang kailangang ihanda na ponencia.
Gayunman, nakadepende pa rin sa natitirang mga testigo, mga pasya sa ebidensiya at desisyon ng mga senador kung kailan maisusumite sa botohan ang kaso. | ulat ni Kathleen Forbes