Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magtutuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Ayon sa DSWD, ito ay sa kabila ng suspensyon ng pamamahagi ng Guarantee Letter simula sa Lunes, November 30 hanggang sa buong buwan ng Disyembre.
Ayon kay DSWD Spokesperson, Assistant Secretary Irene Dumlao, layon nito na bigyan ng sapat na panahon ang kagawaran na iproseso ang mga disbursement voucher at ayusin ang mga kasalukuyang obligasyon sa kanilang partner service provider bago matapos ang taon.
Paalala naman ni Dumlao sa mga nais kumuha ng tulong sa ilalim ng AICS na magpa-appointment para makakuha ng puwesto para masiguro ang maayos at episyenteng paghahatid ng serbisyo.
Nilinaw din ng opisyal na inilipat na ang pagpoproseso ng tulong sa ilalim ng AICS sa Paragon Building sa Commonwealth Avenue sa Quezon City sa halip na sa DSWD Central Office.