Walang magbabago sa opisyal na paninindigan at mensahe ng security sector ng bansa hinggil sa usapin ng West Philippine Sea (WPS), sa kabila ng tila paghupa ng tensyon at palitan ng maaanghang na salita sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ito ang binigyang-diin ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., matapos sitahin kamakailan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang anila’y “regrettable” na pakikipagbangayan ng ilang lokal na opisyal laban sa panig ng China.
Ayon sa kalihim, nananatiling matatag ang posisyon ng gobyerno sa pagtatanggol sa teritoryo at soberanya ng bansa—partikular na sa West Philippine Sea, Kalayaan Island Group, at maging sa Batanes, na kamakailan ay inaangkin na rin umano ng ilang Chinese scholars.
Gayunpaman, malugod namang tinanggap ng pinuno ng DND ang bahagyang paghupa o pag-“tone down” ng tinaguriang “Word War” sa pagitan ng dalawang bansa.
Naganap ito kasunod ng naging pamamagitan ng DFA at ng katatapos lamang na ASEAN Summit.
Para kay Teodoro, isang magandang hakbang ang pagbawas sa mga hindi kinakailangang ingay at patutsada sa publiko, na tinawag niyang “garbage in the airways.”
“Less garbage is a good thing,” pahayag ni Teodoro, sabay giit na hindi nagmula sa panig ng mga Pilipino ang naturang mga walang basehan at nakalilitong pahayag.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na iisa at malinaw ang direksyon ng Pilipinas pagdating sa diplomasya at pambansang seguridad.