Nanawagan ngayon ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko na maging mapanuri at responsable sa ibinabahaging impormasyon online at offline kaugnay sa kasalukuyang usapin sa liderato ng Senado.
Ayon sa CICC, na-detect sa kanilang online monitoring ang mga usapin at aktibidad ng ilang grupo na nagpapakita ng posibleng pag-oorganisa para mag-rally.
Dahil dito, hinikayat ng ahensya ang publiko na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon lalo na sa social media at messaging applications.
Pinaalalahanan din ng CICC ang mga mamamayan na tiyaking verified at mula sa mapagkakatiwalaang sources ang anumang impormasyong kanilang nakikita bago makilahok sa anumang aktibidad o pagtitipon.
“Cyberspace is not only a platform for expressing opinions but also a shared space where every Filipino has a responsibility to ensure that the information you consume and share is accurate and constructive,” ani CICC Undersecretary Aboy Parais.
Kaugnay nito, nanawagan ang ahensya sa mga organizer, kalahok sa mga pagtitipon, at mga social media user na iwasang mag-post o mag-share ng content na naghihikayat ng karahasan, iligal na aktibidad, o anumang kilos na maaaring magbanta sa kaligtasan at kaayusan ng publiko.
Sa gitna ng mainit na usaping pampolitika, hinikayat ng CICC ang mga netizen na pairalin ang responsableng paggamit ng social media at tumulong sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na cyberspace.