Magsisimula ngayong Hunyo ang Supplementary Feeding Program o SFP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 93,422 batang benepisyaryo sa Ilocos Region.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng masustansyang mainit na pagkain sa loob ng 180 feeding days ang mga batang naka-enroll sa 3,590 Child Development Centers (CDC) at 21 Supervised Neighborhood Play Centers, na pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon.
Pinakamarami ang mga benepisyaryo sa Pangasinan na may 55,346 bata; kasunod ang La Union na may 15,083; Ilocos Sur na may 13,431; at Ilocos Norte na may 9,562.
Ayon kay DSWD Field Office 1 Supplementary Feeding Program Unit Head Naressa Garvida-Aguinaldo, bahagi ito ng pagsisikap ng pamahalaan na labanan ang malnutrisyon at mapabuti ang kalagayang pangkalusugan ng mga batang mag-aaral.
Bukod sa feeding program, 6,721 bata rin ang makatatanggap ng sariwang gatas ngayong taon.
Prayoridad dito ang mga lugar na may mataas na bilang ng undernourished children, partikular sa Pangasinan kung saan kabilang ang mga bayan ng Sison, Bayambang, Mapandan, Mangatarem, at Umingan.
Para sa implementasyon ng programa, naglaan ang DSWD ng kabuuang mahigit ₱446 milyon para sa pagkain at milk feeding ng mga benepisyaryo sa buong rehiyon. | ulat ni Marie Mildred Estrada-Coquia | Radyo Pilipinas Tayug
Photos: DSWD FO1