Posibleng humiling ang kampo ni Senador Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan ng hospital arrest.
Ayon sa lead counsel ni Estrada na si Atty. Noel Ostrea, bukod sa osteoarthritis ay mayroon ding joint effusion o pinapasukan ng tubig ang tuhod ng senador.
Ito aniya ang dahilan kung bakit pati ang pag-upo nang matagal ay nahihirapan si Estrada.
Sinabi ni Ostrea na batay sa kaniyang pagkakaalam, hindi kakayanin ng ordinaryong procedure ang problema sa tuhod ng mambabatas.
Kaya pag-aaralan aniya ng kanilang kampo ang posibleng paghirit ng hospital arrest.
Matatandaang kahapon ay pinayagan si Estrada ng Sandiganbayan 2nd Division na makadalo sa kaniyang arraignment sa kasong graft sa pamamagitan ng video conference.