Mabigat na trapiko ang sumalubong sa mga motoristang bumibiyahe sa northbound lane ng EDSA ngayong umaga, matapos bumangga ang isang oil tanker sa ilang concrete barriers sa pagbaba ng Quezon Avenue Flyover, kaninang madaling araw.
Ayon sa MMDA, naganap ang insidente bandang alas-5:26 ng umaga kung saan nahagip ng tanker ang 11 concrete barriers at isang plastic barrier.
Ang tanker ay may kargang gasolina na nagmula sa Batangas at patungo sana sa La Union.
Sa kabila ng insidente, wala namang naitalang pagtagas ng gasolina.
Ligtas din ang driver at pahinante ng tanker.
Sa kasalukuyan, naalis na ang mga nasirang concrete barriers, ngunit patuloy pa rin ang operasyon para maalis sa lugar ang tanker truck.
Dahil sa insidente, mahigit dalawang oras nang sarado sa mga sasakyan ang Quezon Avenue Flyover, kaya pinapadaan muna ang mga motorista sa service road.
Nananatili naman sa lugar ang mga tauhan ng MMDA para pangasiwaan ang daloy ng trapiko at tiyakin ang mabilis na clearing operations. | ulat ni Merry Ann Bastasa