Nakahanda na ang Philippine National Police-General Hospital (PNPGH) sa oras na mailipat muli si dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan.
Ito ay matapos na pumayag ang Sandiganbayan na pansamantalang ma-hospital arrest ang dating kalihim.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP GH Chief PCOL Dr. Cleto Manongas, na makikipagtulungan sila sa mga doktor ni Bonoan at papayagan ito makapasok sa loob ng kampo para matugunan ang kondisyong medikal ni Bonoan.
Ayon kay Manongas, ang PNPGH ay isang Level 2 Hospital at may mga medical examination at procedure na wala rito na nasa isang Level 3 Hospital gaya ng Medical City.
Nakikita rin nila na stress ang isa mga dahilan ng mga sakit ng dating kalihim.
Sinabi rin ng opisyal, na nakahanda na ang mga doktor, nurse, at kwarto na tutuluyan ng dating kalihim sakaling ilipat ito.
Sa ngayon, stable na aniya ang kondisyon ni Bonoan at kaninang umaga ay na-monitor ang kaniyang blood pressure na nasa 120/70.