Nagtaas ng High Alert Status ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa General Santos City.
Inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mga frontline agency ng lungsod na magsagawa ng agarang inspeksyon sa mga pampublikong gusali, paaralan, government building, at iba pang kritikal na pasilidad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Kabilang sa mga pinakilos ang Office of the Building Official, Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office, Manila Department of Social Welfare, Department of Engineering and Public Works, Manila Police District, at Schools Division Office–Manila.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ito ng regular na paghahanda ng lungsod tuwing may malakas na lindol sa bansa, kahit malayo sa Metro Manila ang episentro.
Inatasan din ni Domagoso ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office na maghanda sakaling kailanganing magpadala ng response team sa General Santos City at iba pang lugar na naapektuhan ng lindol.
Layunin ng hakbang na matiyak na handa, alerto, at nakaantabay ang lungsod para sa kaligtasan ng publiko sakaling magkaroon ng mga aftershock o iba pang emergency situation.