File Photo
Agad na ipinatupad ng Department of Health (DOH) ang mga crisis protocol sa mga ospital nito at Centers for Health Development matapos ang malakas na lindol na tumama sa Mindanao.
Kasunod ng pagtitiyak sa kaligtasan ng mga kawani, nagsagawa ang DOH ng rapid assessment sa kalagayan ng mga pasilidad pangkalusugan, kabilang ang mga ospital at klinikang pinamamahalaan ng DOH, mga lokal na pamahalaan, at pribadong sektor.
Nakahanda ring ideploy ang mga Health Emergency Response Team mula sa mga ospital ng DOH at mga regional office batay sa pangangailangan sa mga apektadong lugar.
Naka-standby naman ang tatlong World Health Organization-recognized Philippine Emergency Medical Assistance Teams mula sa Luzon at Visayas para sa posibleng pagtatayo ng mga field hospital.
Samantala, pinaaalalahanan ng Department of Health, sa pamamagitan ni Undersecretary at Spokesperson Dr. Albert Domingo, ang mga residente sa mga apektadong lugar na mag-ingat sa posibleng mga aftershock at sumunod sa umiiral na tsunami warning.