Inihayag ni Minority Leader at 4PS Party-list Rep. Marcelino Libanan, na mas lumakas at mas naging matatag ang Kamara sa kabila ng mga hamon sa change of leadership at pulitika.
Sa kanyang sine die adjournment speech, sinabi ni Libanan na hinarap ng Kamara ang serye ng matitinding pagsubok sa First Regular Session ng 20th Congress.
Kabilang na ang alegasyon ng katiwalian sa flood control projects, mga pagbabago sa liderato, epekto ng global economic pressures at ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Aniya, hindi pinabayaan ng Kamara ang tungkulin nito sa ilalim ng Saligang Batas.
Pinuri rin ni Libanan si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos III sa pagpapasa ng mga mahahalagang panukalang batas
Ipinunto rin niya ang kontribusyon ng Minority Bloc sa pagbuo ng mga batas, lalo na sa pambansang budget.
Binanggit din ni Libanan ang pagtaas ng tiwala ng publiko sa Kamara, mula 31% noong December 2025 patungong 62% — paalala na ang tiwala ng publiko ang tunay na pinagmumulan ng ating mandato at lakas bilang institusyon.
Hinikayat ni Libanan ang mga mambabatas na ipagpatuloy ang serbisyo publiko at ang natitirang reporma sa natitirang dalawang taon ng 20th Congress.#