Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na handa ang 1348 OWWA Hotline na sumagot sa mga tawag ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) o ng kanilang mga kaanak na humihingi ng tulong at impormasyon kaugnay ng Magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao ngayong araw.
Sa abiso ng OWWA, bagama’t kinailangang isara ang ilang Regional Welfare Offices sa Mindanao upang sumailalim sa pagsusuri ng mga pasilidad, tiniyak ng ahensya na hindi mapuputol ang serbisyo ng kanilang hotline at patuloy na sasagutin ang mga tawag sa 1348 OWWA Hotline.
Nakikipag-ugnayan din ang OWWA sa mga lokal na pamahalaan upang ma-monitor at matiyak ang kaligtasan ng mga OFW at ng kanilang mga kaanak na nasa mga apektadong lugar.
Payo naman ng ahensya na manatiling kalmado at sumunod sa mga awtoridad sa gitna ng ganitong uri ng sakuna.