Plano ng Senado na magpadala ng tulong sa mga naapektuhan ng Magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani at mga kalapit na probinsya.
Ayon kay Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian, maaga nilang sinuspinde ang pagpupulong ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong araw dahil sa nangyaring lindol.
Sinabi ni Gatchalian na balak nilang bumuo ng grupo na magdadala ng tulong sa Mindanao.
Sa isang pahayag, nanawagan ang Acting Senate President ng isang “all-hands-on-deck” na pagtugon mula sa pamahalaan.
Hinikayat din ng senador ang NDRRMC, DSWD, mga lokal na pamahalaan, at iba pang kinauukulang ahensya na agad mag-deploy ng search, rescue, at relief operations.
Umapela rin si Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Education na iprayoridad ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral, lalo’t ngayong araw nagbukas ang klase.
Dapat aniya na tiyakin ang structural integrity o katatagan ng mga gusali ng paaralan, gayundin ang pagbibigay ng psychosocial support at pagpapatupad ng mga localized na hakbang upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga estudyante.