Iginiit ni Dr. Albert Elementary School Principal Cherry Magayon na mahalagang pumasok ang isang estudyante sa unang araw ng eskwela.
Sinabi ni Magayon ang naturang pahayag bunsod ng mga kumakalat na paniniwala ng ilang mga magulang na wala namang ginagawa ang mga estudyante sa unang linggo ng school year.
Paliwanag ng opisyal, maraming mahahalagang aktibidad ang ginagawa sa unang linggo ng pagpasok sa eskwela kabilang ang orientation kung saan dito inilalatag ang mga alituntunin sa buong taon ng pag-aaral.
Kasabay nito ay nagpaalala rin si Magayon sa mga magulang na pagkatiwalaan ang mga guro na tatayong mga ikalawang nanay at tatay ng kanilang mga anak sa paaralan.