Courtesy of DILG
Itinaas na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang full alert status para sa lahat ng local government unit na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani na yumanig din sa ilang mga lugar sa Mindanao.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ipinag-utos na ng DILG ang activation ng lahat ng Emergency Operation Centers at Disaster Online Reporting and Monitoring Systems ng mga lokal na pamahalaan para sa mabilisang aksiyon at pag-responde.
Iniulat din ng DILG na agad na ring nakapagkasa ang mga lokal na pamahalaan ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o R-DANA upang makita ang lawak ng pinsala ng lindol at matukoy ang pangangailangan ng mga apektadong lugar.
Itinaas na rin ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang code red alert status para sa Regions 11 at 12 kaugnay pa rin ng isinasagawang responde sa mga lugar na labis na napinsala ng lindol.