Bilang tugon sa direktiba ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Atty. Vigor Mendoza II, agad nag-inspeksyon ang mga Regional Franchising and Regulatory Office sa Davao Region at SOCCSKSARGEN sa mga bus terminal at iba pang land transportation hubs sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Layon ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, transport workers, at iba pang gumagamit ng mga terminal lalo na’t patuloy pa ring nakararanas ng mga aftershock ang mga apektadong lugar.
Kasabay nito, ipinag-utos din ng LTFRB ang inspeksiyon sa kanilang mga tanggapan sa mga lugar na tinamaan ng lindol at pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng ilang opisina sa mga lugar na matinding naapektuhan.
Ayon kay Mendoza, patuloy ding mino-monitor ng ahensya ang kalagayan ng kanilang mga tauhan at naghahanda ng contingency plans upang matiyak na hindi maaantala nang matagal ang kanilang serbisyo sa publiko.#