Nanawagan si Senador Robin Padilla sa mga residente ng mga baybaying lugar sa Mindanao na agad sumunod sa mga kautusan ng paglikas matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa kanlurang bahagi ng Sarangani.
Ayon kay Padilla, dapat unahin ang kaligtasan at pagprotekta sa buhay habang nagpapatuloy ang pagtugon ng mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at mga humanitarian organization sa emerhensiya.
Partikular niyang pinayuhan ang mga residente ng Sarangani, Davao Occidental, South Cotabato, Sultan Kudarat, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi na manatiling alerto at sundin ang lahat ng direktiba ng mga lokal na opisyal at disaster response agencies.
Hinimok din ng senador ang mga lokal na opisyal, barangay leaders, at mga boluntaryo na paigtingin ang pagpapakalat ng tamang impormasyon, lalo na sa mga liblib at mahihinang komunidad kung saan limitado ang komunikasyon.
Nagpahayag din si Padilla ng suporta sa mga operasyon ng PHIVOLCS, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Philippine Red Cross, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at iba pang lokal na disaster response units na nagsasagawa ng assessment, evacuation, at relief operations.
Kasabay nito, pinaalalahanan niya ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo mula sa PHIVOLCS, NDRRMC, mga lokal na pamahalaan, at iba pang awtorisadong ahensya ng gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion