Nagpahayag ng pakikiramay sina Senador Christopher “Bong” Go at Senador Jinggoy Estrada sa pamilya, mga kaibigan, at buong basketball community kasunod ng pagpanaw ng dalawang manlalaro ng Ateneo de Manila University (ADMU) Men’s Basketball Team na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Nasawi sina Baterbonia at Adili sa isang insidente ng pagkalunod habang nasa isang team activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Ayon kay Go, mahalagang magkaroon ng agarang at masusing imbestigasyon ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at mga organisasyon kaugnay ng insidente upang matukoy ang tunay na nangyari sa trahedya.
Sinabi rin ng senador na marami pang katanungan ang kailangang masagot upang mabigyang-linaw ang insidente at matiyak na hindi na ito mauulit.
Kinilala rin ni Go ang hakbang ng Philippine Sports Commission (PSC) na magsagawa ng agarang pagpupulong kaugnay ng pangyayari.
Samantala, sinabi ni Estrada na nakalulungkot ang pagkawala ng dalawang kabataang atleta na puno pa ng pangarap at potensiyal. Batid aniya ng senador kung gaano kalaki ang sakripisyong ginagawa ng bawat manlalaro sa kanilang pagsasanay at mga laro. |