Magandang balita ito para sa mga naghahanap ng trabaho dahil ang Lokal na Pamahalaan ng Pasay ay magkakaroon ng Job Fair sa Independence Day sa Biyernes, Hunyo 12.
Ayon sa abiso ng LGU, isasagawa ang Job Fair mula alas-otso ng umaga hanggang alas-kuwatro ng hapon sa DoubleDragon Plaza sa Pasay City.
Mayroong 5,195 job vacancies na maaaring applyan. Kabilang dito ang mga oportunidad mula sa 31 local employers at apat na overseas employers.
Kabilang sa mga trabahong inaalok ang mga posisyon sa Information Technology, healthcare, construction, gobyerno, logistics, finance, retail, manpower agencies, at iba pang serbisyo.
Bukod sa Job Fair, magkakaroon din ng One-Stop Shop para sa mga serbisyong panggobyerno kung saan maaaring asikasuhin ng mga aplikante ang kanilang mga dokumento at transaksiyon sa PhilHealth, Pag-IBIG Fund, Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau of Internal Revenue (BIR), Social Security System (SSS), at iba pa.
Para naman sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa, lalahok din ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW). Upang makasali, magparehistro lamang sa pamamagitan ng link o QR code na makikita sa opisyal na Facebook page ng PESO-Pasay at Pasay City LGU.