Giniit ni Senador Ping Lacson na wala nang dapat ikalito o alinlangan ang mga empleyado ng Senado kung sino ang dapat nilang sundin, dahil ang Gatchalian-led majority bloc, aniya, ang kinikilala na ng Civil Service Commission (CSC) at iba pang kaukulang awtoridad.
Ayon kay Lacson, ang pagkilalang ito sa bagong Senate majority, na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian, ay nagpapatibay na ang mga utos mula sa minority bloc, na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano, ay naglalayong magdulot lamang ng kalituhan.
Binigyang-diin naman ni Acting Senate President Gatchalian na iisa lamang ang Senado at sila ang kinikilala ng Malacañang, ng Executive Branch, at maging ng Kamara.
Pinunto rin ng senador na marami nang legal luminaries at iba pang eksperto ang nagpahayag na legal ang naging paghalal sa mga bagong opisyal ng Senado noong sesyon noong Hunyo 3.
Ibinahagi rin ni Gatchalian na nakausap na niya ang mga empleyado ng Senado at malinaw na sa kanila na ang kanyang mga direktiba ang kanilang susundin.