Nagpadala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng BRP Panglao (FPB-2402) upang maghatid ng mga relief supply para sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Lalawigan ng Sarangani.
Sakay ng barko ang 1,200 kahon ng relief goods, 57 galon ng malinis na inuming tubig, at 106 na tent na mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga residente ng bayan ng Glan.
Bahagi ang operasyon ng kampanyang iCARE ng PCG at ng patuloy na humanitarian assistance ng pamahalaan para sa mga komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Patuloy naman ang koordinasyon ng PCG at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang agarang paghahatid ng tulong sa mga apektadong lugar.