Maglulunsad ang Department of Labor and Employment (DOLE), ng nationwide TRABAHO AGAD Job Fair sa 55 lugar sa buong bansa bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan sa June 12.
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, mahigit 95,000 oportunidad sa trabaho ang naghihintay sa mga aplikante sa pamamagitan ng sabayang job fair na magsisimula ngayong araw, June 10.
Gaganapin ito sa mga strategic locations na makikitsa sa website o social media pages ng ahensya.
Lalahukan ito ng mahigit 1,100 lokal at overseas employers na mag-aalok ng 95,240 bakante sa iba’t ibang sektor kabilang ang retail, manufacturing, construction, business process outsourcing, at accommodation at food services.
Kabilang sa mga trabahong may mataas na pangangailangan ang sales clerks, store crew, production operators, construction workers, call center representatives, at service crew.
Magkakaroon din ng one-stop-shop services para sa pagproseso ng mga kinakailangang dokumento sa tulong ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng National Bureau of Investigation, Social Security System, Philippine Health Insurance Corporation, at Home Development Mutual Fund.
Makikipagtulungan din ang Technical Education and Skills Development Authority, Department of Information and Communications Technology, at Civil Service Commission para sa skills training, micro-credential programs, at iba pang serbisyong makatutulong sa mga naghahanap ng trabaho. | ulat ni Lorenz Tanjoco