Bilang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao, inaprubahan ng Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD ang moratorium sa pagbabayad ng housing loan amortization sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ayon kay DHSUD Sec. Jose Ramon Aliling, inatasan na nito ang key shelter agencies kabilang ang Pag-IBIG Fund, National Housing Authority o NHA, Social Housing Finance Corporation, at National Home Mortgage Finance Corporation na simulan ang mga kinakailangang hakbang para sa pagpapatupad ng moratorium.
“Sa panahon ng sakuna, importanteng mabawasan ang alalahanin ng ating mga kababayan. Ang prayoridad ay ang kanilang kaligtasan,” ani Secretary Aliling.
Kasabay nito, pinakilos na rin ng kalihim ang mga regional office ng DHSUD para i-activate ang kanilang shelter clusters at matukoy ang lawak ng pinsala sa mga kabahayan at ang mga pamilyang nangangailangan ng agarang tulong sa pabahay.
Partikular na pinakikilos ang DHSUD Regional Office 12 para magsagawa ng rapid ground assessment sa mga komunidad na lubhang naapektuhan ng lindol, lalo na sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity.
Agad ding nagpadala ng mga assistance team ang Pag-IBIG Fund at NHA sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Dalawang Pag-IBIG on Wheels Mobile Branch ang ipinadala sa General Santos City at Dipolog City para magsilbi sa mga miyembro habang nagsagawa naman ng ground assessment ang NHA para sa posibleng emergency shelter assistance.
“Patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak na agad nating matugunan ang pangangailangan lalo na sa aspeto ng pabahay nang mga pamilyang apektado ng lindol,” ayon sa DHSUD chief.#