Naghain si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ng panukalang batas na naglalayong tiyakin ang permanenteng pagmamay-ari ng pamahalaan na hindi nakarehistro o walang titulo na lupang ginagamit bilang mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Yamsuan, makatutulong ang kanyang panukala upang matiyak na walang magiging hadlang sa programa ng Department of Education (DepEd) para sa pagpapabilis ng pagtatayo ng mga silid-aralan.
Ginawa ni Yamsuan ang pahayag bilang pagsuporta sa direktiba ni Education Secretary Sonny Angara na magsagawa ng structural safety inspections sa mga paaralang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao kamakailan.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 9477, pabibilisin ang proseso ng pagtititulo, pagrerehistro, at pagprotekta sa mga lupang ginagamit bilang pampublikong paaralan sa pangalan ng DepEd.
Nais din nitong gawing mas maayos ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno upang maiwasan ang matagal nang mga pagkaantala sa paglilipat ng pagmamay-ari ng mga lupang ito. | ulat ni Melany Reyes