Isa sa mga pangunahing prayoridad ni Aquino sa kanyang pagbabalik bilang Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, kasabay ng pagtugon sa tinatayang 166,000 classroom backlog sa bansa.
Nanawagan din si Aquino sa pamahalaan na pabilisin ang pagpapalabas ng pondo para sa pagkukumpuni ng mahigit 1,000 silid-aralan na napinsala ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon sa senador, hindi pa rin nagsisimula ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa kabila ng pondong inilaan sa ilalim ng P1.34-trilyong budget para sa edukasyon ngayong taon.
Kabilang din sa mga prayoridad ni Aquino ang pagpasa ng National Feeding Program para sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 3, School Safety Act laban sa bullying, at School-to-Employment Program para sa mga K-to-12 graduates.
Muli rin niyang isinulong ang pagpasa ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability o CADENA-Blockchain the Budget Bill upang mapalakas ang transparency at pananagutan sa paggasta ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1506, inaatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno na mag-upload at magpanatili ng mga dokumentong may kaugnayan sa badyet at paggasta sa isang digital platform na bukas sa publiko para sa mas madaling pagsubaybay sa paggamit ng pondo ng bayan. | ulat ni Lorenz Tanjoco