Nanawagan si Senator Ping Lacson sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), na manatiling mapagmatiyag at mapanuri laban sa mga grupo na maaaring manamantala ng sitwasyon sa pulitika at ekonomiya ng bansa para magsulong ng destabilisasyon ng pamahalaan.
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na hindi niya iniaalis ang posibilidad na ang 18 ex-bodyguard at bagmen na pumunta sa Senado nitong Lunes ay maaaring gamitin bilang bahagi ng mas malawak na plano para magsimula ng kaguluhan.
Ikinababahala aniya ang posibilidad na magkaroon ng gulo kung mapaaresto o ma-cite in contempt ang 18 kapag dumalo sila sa Blue Ribbon Committee hearing.
Ipinaliwanag ng senador, na pwede kasi silang gamitin para kumuha ng simpatya mula sa mga grupong nais maghasik ng kaguluhan sa pamamagitan ng pagpasok sa senado.
Sa ngayon, ayon kay Lacson, mahirap makakuha ng simpatya mula sa Sandatahang Lakas ang 18, lalo na mula sa Marines, dahil hindi bababa sa 12 sa kanila ang dishonorably discharged mula sa serbisyo.
Matatandaang una nang isinailalim sa heightened security ang senado kasunod ng natanggap na impormasyon tungkol sa security threat sa institusiyon.#