Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanda at seguridad para sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Biyernes, June 12.
Pinagana na ng mga Police Regional Office sa buong bansa ang kani-kanilang security plans katuwang ang mga local government unit, at iba pang partner agencies para sa mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, magpapakalat ang National Capital Region Police Office ng kabuuang 12,414 personnel at force multipliers sa Metro Manila.
Tututukan ng mga ito ang seguridad sa Rizal Park, ruta ng Parada ng Kalayaan, Andres Bonifacio Monument, Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion, at Pinaglabanan Memorial Shrine.
Bukod dito, sinabi ni Co na mayroon din karagdagang deployment sa paligid ng Malacañang Palace, malapit sa United States Embassy, at iba pang strategic locations.
Sinabi naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na nakahanda ang buong hanay ng Pambansang Pulisya upang matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa buong bansa. | ulat ni Diane Lear