Nais ipatanggal ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang palutang-lutang na platform na namataan sa Bajo De Masinloc na kabilang sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Sa isang pahayag kinumpirma ng DFA na naghain na sila ng pormal na diplomatic protest sa People’s Republic of China para dito at hinihimok nila ang China na tanggalin na ang floating structure o platform.
Sa isang press conference din sinabi ni DFA Spokesperson for Maritime Affairs Deputy Assistant Secretary Rogelio Villanueva Jr. na maninindigan ang pamahalaan na ang Bajo De Masinloc ay pasok sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Samantala, sa isang pahayag naman na inilabas ng tagapagsalita ng Embahada ng China sa Pilipinas na si Li Jingpeng, ang Bajo De Masinloc na tinawag nilang Huangyan Dao ay teritoryo umano ng China kaya karapatan umano nilang magsagawa ng scientific research sa lugar.