Patuloy na nakikipag-ugnayan ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa mga local government unit (LGU) at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matulungan ang mga katutubong komunidad na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon kay NCIP Chairperson Secretary Nancy Catamco, layunin nitong mapabilis ang pamamahagi ng tulong sa mga indigenous community na labis na naapektuhan ng kalamidad.
Binigyang-diin ni Catamco ang kahalagahan ng maagap na koordinasyon upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga katutubong pamilya.
Hinikayat din niya ang mga pinuno ng tribo na agad makipag-ugnayan sa mga field office ng NCIP at sa lokal na pamahalaan upang mabilis na matukoy ang mga pangunahing pangangailangan sa mga apektadong komunidad.
Kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ang pagkain, pansamantalang matutuluyan, at iba pang serbisyong panlipunan.
Giit pa ni Catamco, mahalaga ang pagkakaisa, katatagan, at pagtutulungan sa panahon ng krisis. Tiniyak din niya na walang komunidad na maiiwan sa patuloy na pagtugon at pagbangon.
Tiniyak ng NCIP na nananatili itong nakaalerto habang nagpapatuloy ang mga aftershock at assessment sa mga apektadong lalawigan.