Naglabas ng memo si Senate President Pro Tempore at acting Senate President Sherwin Gatchalian kahapon kaugnay ng pagpapatupad ng heightened security at preventive safety protocols.
Nakasaad dito na pinapatupad ang heightened security matapos silang makatanggap ng impormasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na may banta sa seguridad ng Mataas na Kapulungan.
Sa memo, kabilang sa ipinag-uutos ang mas malawak na screening at inspection sa mga pumapasok na tao, sasakyan, at ano mang bagay sa loob ng Senado.
Pinadadagdagan rin ang security personnel na nagbabantay sa loob at labas ng senado, at close coordination sa mga law enforcement, intelligence, military at emergency-response agencies.
Kasama rin sa protocol ang pagprotekta sa mga dokumeto at records ng senado, at ang pagpapatupad ng pansamantalang ‘no-visitor policy.’
Hinikayat rin ang mga opisina ng senado na magsagawa ng mga meeting virtually kung pwede at ang paggamit ng telephone, email o video conferencing platform.
Una na ring naglabas ng advisory si Gatchalian sa lahat ng opisina ng senado na magpatupad ng work from home arrangement mula ngayong araw (June 10) hanggang bukas (June 11).
Sinabi ni bagong Senate Sergeant at Arms ret. Police Maj. Gen. Alfred Corpus na kasama sa napag-usapan nila ni Gatchalian ang pagpapatupad ng heightened security sa senado.
Bagamat bineperipika pa nila ang security threat sa ngayon ay mas mainam na aniyang paghandaan nila ito.
Tiniyak naman ni Corpus na walang dapat ikatakot ang mga empleyado ng senado dahil tinitiyak nila ang seguridad at kaligtasan sa Mataas na Kapulungan.