Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na sasagutin ng House of Representatives ang lahat ng gastusing medikal ng mga indibidwal na nasugatan bunsod ng lindol.
Sa isang ambush interview sa General Santos City, sinabi ni Speaker Dy na makakaasa rin ng tulong ang mga pamilyang apektado upang matulungan silang makabangon mula sa sakuna.
Ayon kay Dy, nagsasagawa ng on-site na pagsusuri ang House delegation sa mga nasirang imprastraktura at pasilidad upang matukoy ang kinakailangang pagsasaayos.
Layon din nito na maisama ang kinakailangang pondo sa panukalang pambansang pondo para sa 2027.
Ayon kay Dy, makatutulong ang mga natuklasan mula sa inspeksyon upang matukoy ng Kongreso ang mga prayoridad na pondo para sa mga proyekto ng rekonstruksyon at rehabilitasyon sa mga apektadong komunidad.