Photo courtesy of Philippine Coast Guard
Suportado ni House Committee on Foreign Affairs Chair at Cotabato 3rd District Rep. Ma. Alana Samantha Taliño Santos sa posisyon ng National Task Force for the West Philippine Sea kaugnay ng mga pinakabagong pangyayari sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos ilabas noong June 10 ang mga larawan ng isang movable floating platform na umano’y inilagay ng China sa Bajo de Masinloc.
Pinuri ni Santos ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa agarang paghahain ng diplomatic protest laban sa umano’y ilegal na presensya ng China sa Bajo de Masinloc.
Kinilala rin niya ang AFP at PCG sa patuloy na pagtupad sa kanilang tungkulin sa kabila ng mahirap at mapanganib na kalagayan sa pagbabantay sa karagatan at himpapawid ng bansa.
Muling iginiit ni Santos na mananatiling prayoridad ng House Committee on Foreign Affairs ang pangangalaga sa sovereign rights, at maritime interests ng Pilipinas sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Nangako rin siya na gagamitin ang kanyang posisyon bilang chairperson ng komite upang itulak ang mga panukalang batas na magpapalakas sa legal na katayuan ng bansa sa ilalim ng international law.
Aniya, tiyak na maririnig sa Kongreso ang boses ng mga Pilipinong umaasa sa yamang-dagat ng West Philippine Sea.