Photo courtesy of National Dairy Authority
Ipinagmamalaki ng Department of Agriculture-National Dairy Authority (DA-NDA) na lumalakas ang produksyon ng lokal na gatas sa kabila ng hindi pag-i-import ng mga dairy cattle sa bansa sa loob ng dalawang taon.
Ayon kay DA-NDA Information Officer IV Ian Caro Agbayani, tumataas ang produksyon ng gatas sa bansa mula sa mga lokal na magsasaka na tinatayang umabot sa 11.79 milyong litro na ang naani sa unang quarter ng 2026 kumpara sa 11.08 milyong litro nitong nakaraang taon.
Target din ng ahensya na itaas sa limang porsyento o katumbas ng 80 milyong litrong gatas ang self-sufficiency ng bansa sa pagtatapos ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Binigyang-diin pa ng opisyal na tinutugunan din ng ahensya ang problema sa “heat stress” ng mga inahing hayop sa pamamagitan ng mga industrial fan at misting para guminhawa ang pakiramdam ng mga baka.
Dagdag pa ng ahensya, mas malaki ang kikitain ng mga magsasaka kung pagagatasin ang mga inahing hayop kumpara sa pagbebenta ng karne nito.
Base pa sa datos ng ahensya, nangunguna ang Batangas sa pinakamataas na nakokolektang gatas habang sinundan naman ng Laguna, Iloilo, Misamis Oriental at Bukidnon.
Samantala, tiniyak naman ng DA-NDA na ligtas at malinis ang lokal ng gatas sa bansa.
Kasunod nito, naging matagumpay naman ang isinagawang tatlong araw na Dairy Fair sa Farmers Plaza sa Araneta City, Cubao, Quezon City nitong nakaraang linggo kung saan ibinida ang mga produktong gawa sa sariwang gatas ng mga hayop. | ulat ni Christopher Tirambulo