Kinumpirma ng Senate Electronic Data Processing and Management Information System Bureau (EDP-MIS) na nakaranas ng isang website defacement incident ang opisyal na website ng Senado matapos itong sumailalim sa hindi awtorisadong pagbabago ng nilalaman.
Ayon sa pahayag ng tanggapan, agad na nagsagawa ng mga kinakailangang security protocol ang kanilang technical team nang matukoy ang insidente.
Kaagad ding na-contain ang problema at sinimulan ang masusing imbestigasyon para matukoy ang sanhi at lawak ng hindi awtorisadong aktibidad.
Sinabi ng Senate EDP-MIS na nagpapatupad na rin sila ng mga karagdagang hakbang sa cybersecurity upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Batay sa paunang pagsusuri, wala anilang indikasyon na nakompromiso ang anumang confidential o sensitibong impormasyon.
Ipinaliwanag ng tanggapan na ang laman ng website ng Senado ay pangunahing binubuo ng mga pampublikong dokumento at impormasyong inilaan para sa malayang pag-access ng publiko.
Tiniyak naman ng Senado na nananatiling prayoridad nito ang pangangalaga sa integridad at tuloy-tuloy na operasyon ng kanilang mga sistema. Patuloy din nilang mino-monitor ang sitwasyon at magbibigay ng karagdagang impormasyon kung kinakailangan.
Nagpasalamat naman ang Senate EDP-MIS sa publiko para sa kanilang pasensya at pag-unawa habang tinutugunan ang naturang insidente. | ulat ni Nimfa Asuncion