Wala pang pagbabago sa posisyon ng pamahalaan hinggil sa muling pagsali ng Pilipinas sa Rome Statute, ang tratado na nagtatag sa International Criminal Court (ICC).
Reaksyon ito ni Communications Usec. Claire Castro makaraang tanungin kaugnay sa inihaing resolusyon ni Representative Leila de Lima na nananawagang ibalik ang pagiging miyembro ng bansa sa ICC.
Ayon kay Castro, nananatili ang pinakahuling posisyon ng administrasyon, hindi pa muling sasali ang bansa dito.
Nauna nang iginiit ni De Lima na ang pagbabalik sa ICC ay magpapakita ng paninindigan ng pamahalaan sa pagpapatupad ng batas at paglaban sa impunity, magpapalakas sa pagpapanagot sa mga nakagawa ng karumal-dumal na krimen, at pag-protekta sa karapatang pantao, at pagtaguyod sa rule of law.
“Sa ngayon, wala pa pong makukomento patungkol po diyan. At ang pinakahuli natin na nasagot patungkol po diyan ay hindi pa po babalik, hindi pa po magri-rejoin sa ICC, iyon po ang pinakahuli. Pero sa ngayon, patungkol po diyan ay wala po tayong komento.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan