Photo courtesy of COMELEC
Binigyang-diin ni Commission on Elections Chairperson George Erwin Garcia na ang tunay na kalayaan ay hindi lamang nakabatay sa pagkamit nito kundi sa kakayahan ng bawat Pilipino na gamitin ito upang hubugin ang mas maayos na kinabukasan at mapanatili ang makabuluhang kasaysayan ng bansa.
Sa kanyang mensahe para sa pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas, sinabi ni Garcia na mahalaga ang paggamit ng kalayaan sa pagsusulong ng katotohanan, katarungan, pagkakaisa, at responsableng pakikilahok ng bawat mamamayan.
Binigyang-pansin din ng COMELEC ang nalalapit na kauna-unahang Eleksyong Parlamentaryo ng Bangsamoro sa Setyembre 14 at ang Halalang Barangay at Sangguniang Kabataan sa Nobyembre 2 bilang pagkakataon upang maipakita ng mamamayan ang kanilang kalayaan sa pamamagitan ng pagboto.
Ayon sa COMELEC, ang pagpili ng mga lider ay mahalagang bahagi ng pagpapatibay ng demokrasya, pag-unlad ng mga komunidad, at paghubog ng kinabukasan ng susunod na henerasyon.