Nakatakdang bumalik si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa ilang lugar sa Mindanao na tinamaan ng magnitude 7.8 na lindol, para personal na tutukan ang nagpapatuloy na relief operations ng ahensya.
Ayon sa kalihim, kabilang sa muling bibisitahin ang Glan, Sarangani, na naging hamon noong una ang paghahatid ng tulong dahil sa mga nasirang kalsada dulot ng lindol.
Aniya, umabot na sa mahigit 20,000 Family Food Packs o FFPs ang naipamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng sakuna sa lugar, at target pa itong dagdagan ng 40,000 pang FFPs sa mga susunod na araw para mas marami pang nangangailangan ang maabot ng tulong.
Kasabay nito, nagpapatuloy rin ang relief operations ng DSWD sa iba pang apektadong lugar tulad ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental at Balut Island sa Sarangani.
Samantala, sa General Santos City, target ng ahensya na makapaglaan ng humigit-kumulang 200,000 food packs bilang bahagi ng mas pinalakas na pagtugon sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol.
Inihahanda na rin ng DSWD ang Emergency Cash Transfer Program para mabigyan ng agarang pinansyal na tulong ang mga pamilyang kailangang ipaayos ang mga nasirang bahay at ari-arian.#