Binigyang-diin ni Punong Mahistrado Alexander G. Gesmundo na ang tunay na kahulugan ng kalayaan ay hindi nagtatapos sa pagkamit nito kung hindi sa kung paano ito pinangangalagaan at ginagamit para sa kabutihan ng bayan.
Sa mensahe nito sa pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa Museo ng Kasaysayang Panlipunan ng Pilipinas sa Lungsod ng Angeles, sinabi ni Gesmundo na ang kasalukuyang hamon ng sambayanan ay ang pagbuo ng isang bansang malaya sa kahirapan, katiwalian, pang-aapi, at kawalan ng katarungan.
Binanggit din ng Punong Mahistrado na ito na ang huli niyang pagdalo sa Araw ng Kalayaan bilang pinuno ng hudikatura bago ang kanyang pagreretiro sa Nobyembre.
Ayon kay Gesmundo, ang pagtataguyod ng katarungan ay hindi lamang tungkulin ng mga hukom at abogado kung hindi pananagutan ng bawat mamamayang Pilipino.
Giit niya, ang tunay na malayang bayan ay nakabatay sa katarungan, habang ang isang makatarungang lipunan ay nagpapatibay sa tunay na kalayaan.