Naghahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng Emergency Cash Transfer para sa mga pamilyang apektado ng malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, target na masimulan ang pagpapalabas ng cash assistance sa lalong madaling panahon.
Posibleng magsimula ang payout sa susunod na Sabado o sa loob ng dalawang linggo.
Hinihingi na rin ng ahensiya ang mga listahan ng mga benepisyaryo mula sa mga lokal na pamahalaan.
Maliban sa mga relief goods, prayoridad din ng pamahalaan ang cash aid upang matugunan ang iba pang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Batay sa ulat ng DSWD-DROMIC, mahigit Php 24 milyon na halaga ng tulong ang naipamahagi na sa mga residente ng Davao Region na naapektuhan ng lindol. Matapos ang pagbisita sa Davao Occidental, tutungo naman ang kalihim sa General Santos City at Glan, Sarangani ngayong araw upang talakayin ang karagdagang ayuda para sa mga apektado.