Pinalawig ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) hanggang Disyembre 18, 2026 ang deadline para sa muling pagpaparehistro ng mga homeowners’ associations (HOAs) na dating nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Home Insurance Guarantee Corporation (HIGC).
Sa ilalim ng Department Order No. 2026-007 na nilagdaan ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, binigyan ng karagdagang anim na buwan ang mga apektadong HOA mula sa orihinal na deadline na Hunyo 18, 2026.
Ayon kay Aliling, inirekomenda ng mga opisyal ng ahensya at ng Homeowners Association and Community Development Bureau (HOACDB) ang pagpapalawig matapos ang masusing pagsusuri at konsultasyon sa iba’t ibang stakeholder.
“Ang hakbang na ito ay bunga ng mga konsultasyon at online feedback mula sa ating mga stakeholder. Matapos ang maingat na pagsusuri, napagpasyahan nating palawigin ang deadline upang matiyak na lahat ng HOA ay maayos na marehistro sa ilalim ng DHSUD,” ani Aliling sa isang pahayag noong Linggo.
Batay sa Section 4 ng Republic Act No. 9904 o Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations, kinakailangang muling magparehistro sa DHSUD ang lahat ng homeowners’ associations sa mga subdivision at pabahay ng pamahalaan, kabilang ang mga dating nakarehistro sa SEC at HIGC. Ang DHSUD ay dating kilala bilang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).