Magiging sentro ang Pilipinas ng talakayan tungkol sa pagpapalawak at pagpapahusay ng mga railway system sa Southeast Asia sa pagho-host nito ng kauna-unahang ASEAN Railway Conference o ASEAN RailCon 2026 sa Hunyo 18 at 19.
Pangungunahan ng Department of Transportation (DOTr) at Philippine Railways Institute ang online conference sa tulong ng Asian Development Bank (ADB).
Lalahukan ito ng mga opisyal at eksperto sa railway mula sa 11 bansang kasapi ng ASEAN upang talakayin ang mga paraan para mapabuti ang kaligtasan, kahusayan, at katatagan ng mga tren sa rehiyon.
Tatalakayin din ang paggamit ng makabagong teknolohiya, pagpapahusay ng serbisyo sa mga pasahero, at paghahanap ng pondo para sa mas marami pang proyekto sa railway sector.
Sa pamamagitan ng ASEAN RailCon 2026, inaasahang mas mapapalakas ang ugnayan ng mga bansang kasapi ng ASEAN sa larangan ng railway development. Layunin nitong makabuo ng mga konkretong solusyon sa mga hamon sa transportasyon at makatulong sa paglikha ng mas ligtas, mas episyente, at mas makabagong railway system sa rehiyon.