Nilinaw ng Malacañang na hindi limitado sa pag-iipon ng tubig sa balde ang mga hakbang ng Marcos Administrasyon upang maibsan ang epekto ng El Niño sa bansa.
Reaksyon ito ni Communications Undersecretary Claire Castro, sa mga batikos online na ikinumpara ang ₱50 million na pabuya para sa ikadarakip ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pondong inilaan ng pamahalaan sa paghahanda sa tagtuyot.
Sinabi ni Castro, ang filtration system sa balde, isa lamang sa iba’t ibang intervention ng gobyerno, kabilang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at iba pang tanggapang mayroong kinalaman sa paghahanda sa El Niño.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang binanggit na balde ay mayroong kaugnayan sa pamimigay ng libreng filtration system para sa pagkakaroon ng malinis na inuming tubig.
Apela ni Castro sa publiko unawain ang buong pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at huwag lamang ibatay sa iilang bahagi nito.