Nanawagan si House Trial Spokesperson at Assistant Minority Leader Renee Co ng Kabataan Party-list sa publiko na aktibong subaybayan, ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Co ang panawagan sa paglulunsad ng Bantay Impeachment: A Citizen Watch Campaign for Accountability, Justice, and Truth sa Claret School.
Sa naturang event, nagtipon ang mga civil society organization, youth groups, faith-based formations, at akademiko bago ang inaasahang pagsisimula ng Senate impeachment trial sa July 6.
Ayon kay Co, dapat dalhin ang pagtalakay sa impeachment proceedings sa mga paaralan, komunidad, barangay, at maging sa mga pamilya upang mas maunawaan ng mamamayan ang Articles of Impeachment.
Aniya, maaari ring magdaos ng watch parties sa pagsisimula ng paglilitis.
Idinagdag niya na dapat itanong ng publiko kung paano nakaaapekto ang proseso hindi lamang sa pambansang badyet kundi pati sa mga serbisyong dapat natatanggap ng mga mamamayan.
Hinimok din niya ang publiko na gamitin ang mga susunod na linggo upang sagutin ang mga tanong ng pamilya, kaibigan, at katrabaho tungkol sa impeachment trial.
Ayon kay Co, mahalaga ang pagbabantay ng publiko upang matiyak ang pagiging malinaw, kapani-paniwala, at may pananagutan ng magiging takbo ng paglilitis.