Mariing kinondena ni Senior Deputy Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang napaulat na paglalagay ng isang floating structure ng China sa loob ng Bajo de Masinloc.
Ayon kay De Lima, malinaw na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang lugar.
Ang nasabing istruktura ay floating platform na may kagamitan para sa komunikasyon o pagsubaybay o research na walang pahintulot ng Philippine government.
Bagama’t sinasabi ng panig ng China na ito ay isang siyentipiko o pangkapaligirang monitoring facility, iginiit ng mambabatas na ito ay hindi awtorisadong pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas at paglabag sa soberanya ng bansa.
Binigyang-diin ni De Lima na hindi na bago ang ganitong kilos, at paulit-ulit na pattern ng China sa West Philippine Sea.
Giit pa ng mambabatas, ang naturang hakbang ay tahasang pagbalewala sa 2016 Arbitral Ruling na nagpatunay na walang legal na basehan ang malawak na pag-angkin ng China sa South China Sea.
Nanawagan din siya sa China na agad alisin ang naturang floating platform at itigil ang lahat ng aktibidad na walang pahintulot sa loob ng teritoryong pandagat ng bansa.