Kinumpirma ni Ateneo de Manila University President Fr. Roberto C. Yap ang pagbibitiw ni Tab Baldwin bilang head coach ng Ateneo Blue Eagles kasunod ng insidente ng pagkalunod ng dalawang student-athletes na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Sa isang pulong-balitaan, inanunsyo ni Fr. Yap ang opisyal na pag-alis ni Baldwin sa pamumuno ng Ateneo men’s basketball program.
Inihayag din ng unibersidad na bumaba na rin sa kanyang posisyon si Ateneo Blue Eagles men’s basketball team manager Epok Quimpo.
Ayon kay Fr. Yap, kinakailangan ang pagbabago sa liderato ng koponan upang mapanatili ang integridad ng sports program ng unibersidad at higit pang mapalakas ang pagpapatupad ng mga safety protocol.
Dagdag pa niya, magsisilbi itong pagkakataon upang suriin at pagbutihin ng pamantasan ang mga umiiral nitong sistema para sa mga atleta.