Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa pamahalaan na tiyaking may sapat na pondo para sa relief, rehabilitasyon, reconstruction, at pagbangon ng mga komunidad sa Mindanao na sinalanta ng magnitude 7.8 na lindol noong June 8.
Sa kanyang Senate Resolution No. 447, hinimok ni Villanueva ang pamahalaan na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang pagkakaroon ng sapat na pondo at iba pang resources para sa mga naapektuhang lugar.
Ayon sa senador, bukod sa agarang ayuda, kakailanganin din ng malaking pondo upang maibalik ang mga nasirang imprastraktura, paaralan, ospital, tahanan, at komunidad, gayundin upang masuportahan ang pagbangon ng mga pamilya, manggagawa, magsasaka, mangingisda, at mga negosyo.
Binigyang-diin ni Villanueva na maaaring hindi sapat ang kasalukuyang disaster response mechanisms dahil sa lawak ng pinsalang dulot ng lindol at sa laki ng kinakailangang rehabilitasyon at reconstruction.
Nagbabala rin si Villanueva sa posibleng mas malawak na epekto nito sa ekonomiya kung hindi agad maibabalik sa normal ang sektor ng agrikultura, pangisdaan, transportasyon, at kalakalan sa Mindanao, na isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng pagkain at agricultural products ng bansa. Kasama rin sa resolusyon ang agarang pagpapanumbalik ng mga sistema ng transportasyon, suplay ng tubig at kuryente, mga paaralan, at health facilities, habang isinusulong ang mas matatag at climate-adaptive na reconstruction.